BUTUAN CITY – Patay ang isang 65-anyos na babae na inatake ng sakit sa puso, habang 25 iba pa ang nasugatan, sa magnitude 5.9 na pagyanig sa Surigao City, kahapon ng umaga.

Sa isang panayam kay Surigao del Norte Gov. Sol F. Matugas, kinumpirma niyang 25 katao ang isinugod sa Caraga Regional Hospital sa Surigao City dahil sa mga natamong minor injuries.

Bigo naman ang emergency rescue team ng Surigao City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) na maisalba ang buhay ni Socoro Cenes, 65, ng Narciso corner Lopez Jaena Streets, ayon kay Surigao del Norte Provincial Information Officer Mery Jul E. Escalante.

Pasado tanghali kahapon ay nakapag-ulat na ang pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng information officer nitong si Annette P. Villaces ng ilang bahay na napinsala o gumuho, habang nagtutuluy-tuloy ang disaster operations at assessment ng CDRRMC.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Ayon naman sa gobernadora, nadagdagan pa ang bitak sa gusali ng kapitolyo na una nang napinsala sa 6.7 magnitude na pagyanig sa siyudad nitong Pebrero 10.

Batay sa inilabas na impormasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong 8:08 ng umaga nang maramdaman ang 5.9 magnitude na pagyanig, na ang epicenter ay naitala sa layong 13 kilometro sa timog-kanluran ng Surigao City.

Ayon sa Phivolcs, ang pagyanig kahapon ay bahagi pa rin ng aftershocks sa naunang lindol sa lungsod noong nakaraang buwan, na ikinamatay ng walong katao.

Nagsunud-sunod pa ang mga pagyanig kahapon, sa labis na pangamba ng mga residente.

(Mike U. Crismundo at Rommel P. Tabbad)