Iginiit ni Sen. Bam Aquino na ang gagawing pagdinig bukas sa testimonya ng retiradong pulis na si SPO3 Arturo Lascañas tungkol sa Davao Death Squad (DDS) ay indikasyon na isang malayang institusyon ang Senado.

“The Senate should not shrink from pursuing the truth. Kailangang malaman ng taumbayan ang buong katotohanan sa isyung ito,” sabi ni Aquino.

Sa kanyang pagharap sa Senado noong nakaraang taon, itinanggi ni Lascañas ang mga pahayag ni Edgar Matobato tungkol sa DDS.

Ngunit nitong Pebrero 20 ay binawi ni Lascañas ang naunang testimonya niya at sinabing totoong may DDS at ang noon ay Davao City mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa ilang pagpatay.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nabatid na 2015 pa isinulat ni Lascañas sa isang journal ang mga pag-amin niya tungkol sa kanyang mga nalalaman sa DDS.

Naniniwala si Aquino na ang kasong perjury ay maliit na problema lang para kay Lascañas dahil mas mabigat ang ginawa nitong pag-amin sa ilang pagpatay nang baligtarin nito ang naunang testimonya.

“Gusto nating malaman kung ano ang kanyang rason sa pagbabago ng kuwento at bakit siya [ngayon] umaamin sa mga nagawang krimen,” ani Aquino.

Haharap si Lascañas bukas, Marso 6, sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson. - Leonel M. Abasola