Ipinaaaresto ng Sandiganbayan si dating Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Melquiades Robles kaugnay sa maanomalyang janitorial contract noong 2009.
Kasamang pinadadakip ang iba pang opisyal ng LRTA na sina Federico Canar Jr., Dennis Francisco, Evelyn Macalino, Marilou Liscano, Elmo Stephen Triste, Eduardo Abiva, Nicholas Ombao, Roger Vaño, Maynard Tolosa at Juliet Labisto, at mga pribadong indibidwal na sina Lilia Diaz at Dennis Acorda, bunsod ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019).
Sa record ng kaso, nagbayad ang LRTA ng P3.37 milyon kada buwan sa Joint Venture ng COMM Builders at Technology Philippines Corporation para sa serbisyo ng 321 janitor. Gayunman, binawasan ng mga akusado ang bilang ng mga janitor at ginawang 219 na lamang .
“They modified the terms of the Contract with the Joint Venture for the Maintenance of the LRT Line 1 System, causing undue injury to LRTA in the amount of P1,072,051.30 per month or P12,864,615.63 in 2009 alone,” saad sa kasong isinampa ng Office of the Ombudsman. (Rommel P. Tabbad)