Nagbigay ng reaksiyon si “The Silent Noise” star Zanjoe Marudo kaugnay sa nalalapit na kasal ng ex-girlfriend niyang si Bea Alonzo sa negosyante at bilyonaryong fiancé nitong si Vincent Co.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin kamakailan, inanunsiyo umano sa St. Peter the Apostle Parish sa Paco noong Marso 8 ang marriage banns ng dalawa.
Sa Pilipinas, ang marriage banns ay itinuturing na abiso sa publiko tungkol sa paparating na kasal. Ipinapaskil ito nang tatlong magkasunod na linggo sa parokya ng bride at groom.
Maki-Balita: Bea Alonzo, Vincent Co ikakasal na?
Kaya naman hindi naiwasang hingan ng pahayag si Zanjoe tungkol dito sa ginanap na media conference ng “The Silent Noise.”
“Wala kang react do’n na ikakasal na siya?” usisa ni ABS-CBN showbiz reporter MJ Felipe.
“Totoo ba?” paniniyak ni Zanjoe, sabay biro. “Wala akong imbitasyon, e.”
Sundot tuloy ni MJ, “What can you say? Are you happy?”
“Yes, of course,” sagot ng aktor. “Finally, ‘di ba? Lahat tayo kailangan maging masaya na sa mga batch namin. Unti-unti na kaming nabubuo.”
Matatandaang lampas limang taon din ang itinagal ng relasyon nina Zanjoe at Bea bago nila ito tuluyang tinuldukan noong 2016.