Dedma si Pangulong Rodrigo Duterte sa ulat ng New York-based Human Rights Watch (HRW), sinabi na hindi krimen laban sa sangkatauhan ang pagpatay sa mga kriminal.

Sa panayam nitong Huwebes, pinasinungalingan din ni Duterte ang natuklasan ng HRW na nagtatanim ng ebidensiya ang mga pulis upang bigyang katwiran ang kanilang mga aksiyon sa kainitan ng Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP).

“If you kill criminals, it is not a crime against humanity. The criminals have no humanity. God damn it,” anang Pangulo.

Muli rin niyang iginiit na hindi niya inutusan ang pulisya na patayin ang mga suspek sa droga kundi barilin ang mga ito kapag nanlanban sa pag-aaresto o kapag sa tingin nila ay nanganganib ang kanilang mga buhay.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binigyang-diin ng Pangulo na magpapatuloy ang kanyang giyera kontra ilegal na droga hanggang sa huling araw ng kanyang panunungkulan at tiniyak sa kanyang mga kritiko na marami pa ang mamamatay dahil talagang lumalaban ang mga suspek sa droga.

Pinamagatang “License to Kill”, nakasaad sa 125-pahinang ulat ng HRW na maaaring panagutin si Duterte sa mahigit 7,000 kataong namatay sa kanyang giyera kontra ilegal na droga.

Nag-react si Sen. Risa Hontiveros kahapon at sinabi na walang karapatan at walang awtoridad si Pangulong Duterte na sabihin kung sino sa mga Pilipino ang hindi makatao.

“This government must respect and safeguard the dignity of the human person; the right of each and everyone to human dignity is the basis of many inalienable rights and the foundation of freedom, justice and peace,’’ aniya.

(ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at Mario B. Casayuran)