NOON pa mang binuwag ng administrasyon, sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP) ang Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) na nagpatupad ng Oplan Tokhang, tiniyak na natin na lalong mamamayagpag ang mga user, pusher at drug lord sa kanilang kinahumalingang bisyo.

Pinagpistahan nila ang naturang utos bagamat ang tungkulin ng PNP sa paglipol ng illegal drugs ay iniatang naman sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at sa National Bureau of Investigation (NBI) na tila hindi masyadong naging epektibo dahil nga sa talagang malawak at talamak ang problema sa bawal na droga.

Mismong si Pangulong Duterte ang naglantad ng ulat na tumaas ng 20 porsiyento ang drug trafficking activities sa bansa simula nang lansagin ang Oplan Tokhang. Naniniwala ako na nagising sa katotohanan ang administrasyon na hindi dapat binuwag ang naturang operasyon laban sa mga sugapa sa shabu, cocaine, marijuana at iba pang illegal drugs.

Bagkus, ito ay dapat pa sanang pinaigting at ipinatupad nang walang puknat upang ganap na masugpo ang drug addiction na maraming dekada nang lumalason sa lipunan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ngayon, naniniwala ako na walang pag-aatubiling iuutos ng Pangulo sa PNP, na pinamumunuan ni Director General Ronald dela Rosa, ang muling pagpapatupad ng Oplan Tokhang. Hindi maitatanggi na ang operasyong ito ang maituturing na “higanteng hakbang” laban sa bawal na gamot na lumaganap na sa 92 porsiyento ng mga barangay sa buong bansa. Dangan nga lamang at ang epektibong implementasyon ng nasabing operasyon ay nabahiran ng tiwaling gawain ng ilang balasubas na alagad ng batas, tulad ng mga tinguriang ninja cops; ang mga ito ang nagbebenta ng mga shabu na nakukumpiska nila sa mga durugista.

Magugunita na ang nabanggit na mga tiwaling pulis ang mistulang itinapon sa Basilan bilang bahagi ng pagreporma at paglilinis ng police scalawag. Natitiyak ko na madadagdagan pa ang ibibiyaheng mga alagad ng batas sapagkat talagang marami pang “bad eggs” na nagbibigay ng masamang imahe sa PNP at sa administrasyon. Nakikita ko na ang estratehiyang ito ay magpapatuloy bagamat hindi naman dapat gawing tambakan ng mga tiwaling pulis ang Basilan.

Sa muling pagpapatupad ng Oplan Tokhang, mahigpit ang utos ng Pangulo: Magiging bahagi lamang nito ang mga alagad ng batas na matapat, may sapat na kakayahan, at hindi tiwali. Dapat lamang matiyak na ang anumang operasyon laban sa mga bawal na droga ay maayos, malinis at pamamahalaan ng mapagkakatiwalaang mga pulis at iba pang law enforcers. Sa gayon, hindi ito magiging tampulan ng mga pagtuligsa ng mga kritiko ng administrasyon, lalo na ng mga dayuhan.

Natitiyak ko na ang nasabing grupo ng mga alagad ng batas ay may lubos na suporta ng Pangulo na may matinding adhikaing lipulin ang mga salot ng lipunan. (Celo Lagmay)