ISA sa mga programang patuloy na inilulunsad ng pamahalaang lungsod ng Antipolo ay ang livelihood training program. At kabilang sa mga sumasailalim ngayon sa livelihood training ay ang mga taga-Antipolo na miyembro ng Civil Society Organization (CSO).
Ayon kay Antipolo City Mayor Jun Ynares, layunin ng programa na sugpuin ang kahirapan sa pagbibigay ng kasanayan sa mga bumubuo ng CSO na mga person with disabilities (PWDs), out of school youth, at mga urban poor. Tinatayang mahigit na 1,000 ang makikinabang sa nasabing programang sinimulan pa noong 2016. Ang mga sumasailalim sa pagsasanay ay nakatakdang magtapos sa Hulyo. Katuwang ng pamahalaang lungsod sa livelihood training ang Department of Trade (DTI) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Malaki ang pasasalamat ni Mayor Jun Ynares sa DTI at TESDA sa patuloy na pagsuporta sa livelihood training program ng pamahalaang lungsod. Dahil dito, hindi titigil ang lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng mga livelihood training na makatutulong sa paghubog sa mga indibiduwal upang magamit nila sa kanilang kabuhayan o paghahanap ng trabaho.
Kabilang sa mga livelihod training na pinangangasiwaan ng City Cooperative and Livelihood Office (CCLO), DTI at TESDA ay ang training at kasanayan sa pananahi, paggawa ng tinapay at cake at iba pang uri ng pastry, paggawa ng banana chips at potato chips at preservation ng buto ng kasoy. Bukod sa mga nabanggit, kabilang din sa ibinibigay na training ay pagkakaroon ng kaalaman sa furniture and fixture, garment and textiles, metal engineering, construction and automotive at paggawa ng mga souvenir item mula sa mga recycled material.
Bukod sa walang bayad, ang mga sumasailalim sa livelihood training, ang pamahalaang lungsod ng Antipolo ay nagbibigay din sa mga trainee ng libreng starting kits.
Samantala, umabot sa 61 pares... ng babae at lalaki ang nagpalitan ng kanilang “I Do” sa Kasalang Bayan ng pamahalaang lungsod.
Katuwang ang PAG-IBIG Fund sa kasalang idinaos sa Sitio Maligaya, Barangay San Isidro nitong PEBRERO 14. Ayon kay Antipolo City Mayor Jun Ynares, malaking tulong ang nasabing programa sa mga ikinasal na nagnanais nang magsama nang legal. Idinagdag pa ni Mayor Ynares na mahalaga ang kasal upang maging ganap ang karapatan at pribilehiyo ng magkasintahan sa isa’t isa bilang simula ng pagbuo ng matatag na pamilya. (Clemen Bautista)