Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating officer-in-charge ng Bureau of Corrections (BuCor) at dating NBI deputy director na si Rafael Ragos.
Kinumpirma kahapon ni Department of Justice (DoJ) Usec. Erickson Balmes ang kusang-loob na pagsuko ni Ragos, na kabilang sa mga kapwa akusado ni Senator Leila de Lima at ng dating driver ng huli na si Ronnie Dayan.
Kabilang si Ragos sa ipinaaresto ni Judge Juanita Guerrero, ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 204, sa warrant of arrest na ipinalabas nitong Huwebes, para sa tatlong kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act kaugnay ng umano’y bentahan ng droga sa New Bilibid Prison.
Ilang oras bago sumuko, nagpadala ng surrender feeler si Ragos sa DoJ hanggang sa tuluyang sumuko sa NBI bandang 10:00 ng umaga.
Kaagad na isinalang si Ragos sa booking procedure, o kinuhanan ng mug shots at fingerprints.
Mismong si DoJ Secretary Vitaliano Aguirre II ang nagsabing inamin ni Ragos na nag-deliver ito ng drug money kay Dayan, na ibinigay naman umano ni Dayan kay De Lima, na noon ay kalihim ng DoJ.
Pansamantalang nasa kustodiya ng NBI si Ragos.
Sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City nakapiit si De Lima, habang sa Muntinlupa City Jail naman nakakulong si Dayan. (Beth Camia)