Piolo copy

SHELVED na ang seryeng Written In Our Stars na pagsasamahan sana nina Piolo Pascual, Sam Milby, Jolina Magdangal, Marco Masa at Toni Gonzaga na binuo noong 2015.

Nakapag-shoot na sana ang buong cast para sa dalawang linggong episode at ipinakita na rin ang magandang trailer nito sa trade launch na nagustuhan ng advertisers ang magandang concept at itinakdang ipalabas noong 2016.

Pero nahinto ang project dahil nabuntis si Toni noong Abril 2016 at nangakong babalik ng Disyembre 2016.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Nabalitaan naming gusto sana itong ituloy kahit wala si Toni at papalitan na lang ng ibang aktres, pero hindi pumayag si Piolo na nagsabing hintayin ang pagbabalik ng TV host/actress.

Nitong Enero 12, nag-post pa si Piolo na itutuloy nila ang Written In Our Stars at excited sila ni Toni na gawin na talaga ang project.

May nasulat pang ito raw ang ipapalit sa programang magtatapos na ngayong 2017.

Pero nalaman naming shelved na nga ang project at sa kanilang bagong pelikula na magsasama sina PJ at Toni na ididirihe ni Bb. Joyce Bernal under ng Star Cinema.

Sa panayam ng ABS-CBN kina Direk Joyce, Toni at Piolo sa storycon ng pelikula nitong Pebrero 23 sa opisina ng Star Cinema, “Dalawang taong magwawasakan, magkikita sila sa unlikely hour ng isang araw and then...,” biting sabi ng direktor.

“Basically, kung hindi dumating ‘yung isa’t isa sa buhay ng isa’t isa, maraming p’wedeng mangyari,” sabi ni Piolo.

“So by chance, something happened for a reason. They’re on the verge of giving up on life ‘tapos na-meet nila ‘yung isa’t isa, ‘yun ang naging reason nila to live again. Each other gave them a reason to live.”

“Sobrang hopeful nu’ng movie,” dagdag naman ni Toni. “It gives us hope na in life there are circumstances na hindi natin maabot but we keep on fighting for it.

“Actually, ‘yung sinasabi namin ngayon nila Direk Joyce, napaka-vague pa niya kasi ‘pag sinabi na namin ‘yung buong story, baka hindi na nila panoorin. Basta exciting.”

Hindi naman masagot ng TV host/actress kung ang pelikulang pagsasamahan nila ni Piolo ang kapalit ng Written In Our Stars.

“Hindi ko masagot. Hindi ko masasagot pa. But for now, we will work on this,” sambit ni Toni. (REGGEE BONOAN)