Nadakip kahapon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army (PA) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang konsehal sa isinagawang buy-bust operation sa Maguindanao.
Sa ulat ni 1st Lt. Rhamzy Lego, ng 40th Infantry Battalion ng Army, naaresto si Guindulungan 1st Councilor Saiden Sandigan Utto, alyas “Basuka Uling”, sa buy-bust operation sa bayan ng Rajah Buayan sa Maguindanao.
Ayon kay Lego, si Utto ay isang high-valued target level 3 at ikalawa sa target list ng Maguindanao Police Provincial Office, na matagal nang wanted sa pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa lalawigan.
Nakumpiska sa konsehal ang isang maliit na pakete ng WCS na hinihinalang shabu, P1,000 marked money, at apat na pakete ng 20 gramo ng hinihinalang shabu.
Kabilang din sa mga nasamsam sa suspek ang isang .45 caliber STI GrandMaster pistol, isang magazine na may pitong bala, isang cell phone, at iba’t ibang uri ng ID, kasama na ang pagiging miyembro nito ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Inaalam pa ng Army kung lehitimong miyembro ng MILF si Utto. (Fer Taboy)