MAGBABALIK sa lona ang kinatatakutang si dating WBC International flyweight champion Rey “Delubyo” Megrino na umakyat ng timbang para harapin si Yuki “Strong” Kobayashi sa 8-round featherweight bout sa Marso 11 sa Hong Kong Convention and Exhibition Center sa Hong Kong, China.

Ikatlong laban ito ni Megrino sa Hong Kong matapos patulugin sa 2nd round si Aekatit Kanyaporn ng Thailand noong 2015 at sa 5th round si dating Indonesia featherweight titlist Jason Butar Butar nitong 2016.

Bagama’t may masamang kartada na 23-20-4, kabilang ang 20 knockout, hindi natalo si Megrino sa huling siyam na laban mula noong Hunyo 2012 at nakalista pa ring No. 37 contender kay WBC bantamweight champion Shinsuke Yamanaka ng Japan.

Kabilang sa mga biktima niya si Thai boxing legend at matagal naging WBC flyweight champion na si Ponsaklek Wonjongkam na pinatulog niya 3rd round noong Nobyembre 1, 2012 sa Nakon Ratchasima, Thailand.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umiskor si Megrino ng 7 panalo sa knockout, 1 panalo sa puntos kay one-time world title challenger Myung Ho Lee ng South Korea at isang tabla sa kababayang si dating world rated Jonathan Baat sa kanilang sagupaan para sa interim OPBF bantamweight title noong Abril 1, 2016 sa Bacolod City.

Minsan na ring napalaban at natalo para sa OPBF bantamweight title ang tubong Osaka na si Kobayashi na halos lahat ng laban ay ginanap sa Japan at natalo nitong 2016 kay WBC Youth super bantamweight champion Ye Joon Kim sa Seoul, South Korea.

May rekord si Kobayashi na 10-6-0. (Gilbert Espeña)