WALANG nakitang masama ang board members ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa Better Half na nagrebyu nito kundi mas nakita nila ang kagandahan ng buong palabas at ABS-CBN pala mismo ang nagmungkahi ng rating na SPG o Strong Parental Guidance.
Simula nang umere ito noong Pebrero 13 ay pinag-uusapan na ito nang husto dahil maganda ang pagkakagawa ng love scenes at istorya at maayos din ang pagkakaganap ng mga artistang sina Shaina Magdayao, JC de Vera, Carlo Aquino, at Denise Laurel dahil hindi malaswa.
Maraming viewers ang nakaka-relate sa buhay ni Camille (Shaina) na nawalan ng minamahal dahil sa trahedya, pero bumangon at nilimot ang nakaraan para ituloy ang kanyang buhay. Ipinapakita rin naman nito na hindi dapat maging tulad ni Bianca (Denise) ang sinuman na hayok sa pag-ibig dahil nakakasira ito ng bait.
Hindi naman pala basta-basta lang inaprubahan ng MTRCB ang The Better Half. Nakita ng mga miyembrong nagrebyu ang aral na ibinabahagi nito sa mga manonood.
Ipinapakita ng serye ang suliranin ng mga taong nagmamahal, hindi lang para sa asawa kundi pati na rin sa pamilya at kaibigan.
Tama ang post ni Ogie Diaz sa Facebook, dapat ay nakipag-meeting muna si Mocha Uson sa mga kasamahan niya sa MTRCB bago niya isinapubliko ang reklamo niya. Sa ganitong paraan makakakuha ng solusyon na hinahanap, hindi sa pagsusumbong sa kanyang followers. (Reggee Bonoan)