Nakumpiska ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang bala ng caliber .22 mula sa isang mag-asawa habang naghihintay ng kanilang flight patungong United States, nitong Lunes ng gabi.
Namataan ng Office Transportation Security (OTS), sa pamamagitan ng x-ray machine, ang nasabing bala sa kanilang bagahe.
Kinilala ang mga pasahero na sina Cesar Caranto at Marlyn Caranto ng San Carlos, Pangasinan na kapwa nag-aapoy sa galit habang nakikipagtalo sa mga airport personnel.
Sa umpisa ng pakikipagtalo ng mag-asawa ay mariin nilang pinabulaanan na sa kanila ang nasabing bala.
Sinisi pa ni Marlyn ang OTS personnel sa pagkakaantala ng kanilang flight dahil sa pagpupumilit ng huli na mayroong bala sa loob ng kanilang bagahe.
At nang makumpirmang may bala nga ang kanilang bagahe, sinabi ni Marlyn na, “I know that is a bullet, I forgot to take that out of my bag, my friend placed it there as an amulet against hexes when I went to San Carlos to collect taxes for the Pangasinan City hall.”
Matapos ang security procedure at magsulat sa security logbook, pinakawalan din ang mag-asawa at pinayagang makabiyahe patungong U.S. habang ang bala ay isinuko sa PNP-aviation security group. (Ariel Fernandez)