CARCAR CITY, Cebu – Hindi lamang ayudang pinansiyal ang ipagkakaloob ng pamahalaang panglalawigan ng Cebu sa pamilya ng apat na buwang babae na dinukot at umano’y hinalay—titiyakin ding mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng sanggol.

Sinabi ni Vice Governor Agnes Magpale, na opisyal din ng Provincial Women and Children's Council, na magkakaloob ang kapitolyo ng legal na tulong sa pamilya ng sanggol, na ang pagpapagamot ay sasagutin na rin ng pamahalaang panglalawigan.

Ayon sa bise gobernador, hihilingin niya ang tulong ni Governor Hilario Davide III para maipaayos ang bahay ng pamilya ng sanggol, na tanging kurtina lamang ang nagsisilbing pintuan.

Binigyang-diin din ni Magpale na tutulong ang pamahalaang panglalawigan upang mabigyang hustisya ang sinapit ng sanggol sa pagpupursige ng kaso laban sa suspek na si Jonathan Marfe.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinampahan na ng pulisya ng mga kasong statutory rape at kidnapping si Marfe.

Ayon kay PO3 Vivian Tamayo, ng Women and Children Protection Desk, inihain ang mga kaso sa Cebu Provincial Prosecutor’s Office at nakabimbin na ngayon sa Regional Trial Court Branch 6 at Branch 20.

Dagdag pa ni Tamayo, aabutin pa ng isang buwan bago makuha ang resulta ng laboratory test sa mga ebidensiyang nakalap ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa crime scene. (Mars W. Mosqueda, Jr.)