CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Inaresto ng mga awtoridad ang isang dating alkalde na umano’y leader ng Espino Criminal Gang, na sangkot sa robbery, gun-for-hire, gunrunning at pagtutulak, at apat niya umanong tauhan kasunod ng isang-oras ng engkuwentro sa Arayat, Pampanga, nitong Miyerkules ng umaga.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Aaron N. Aquino, na nangyari ang shootout bandang 5:45 ng umaga makaraang ipatupad ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 3, Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) at Arayat Municipal Police ang search warrant laban kay Luis Alonzo Espino sa bahay nito sa Alonzo Subdivision, Barangay Cacutud sa Arayat.

May petsang Pebrero 7, 2017, ang warrant ay para sa illegal possession of firearms and ammunitions laban sa dating alkalde.

Sa halip na sumuko sa awtoridad, pinagbabaril umano ni Espino ang mga pulis, na ikinasugat nina PO2 Robert Ron Fernandez at SPO1 Joy Venturillo, kapwa miyembro ng SAF.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napaulat na tumagal ng isang oras ang sagupaan sa pagitan ng mga pulis at ng apat na tauhan ni Espino hanggang sa sumuko ang apat, na kinilalang sina Rosendo Dizon, Cesar Peralta, Romy Mallari at Rosauro Dillera, Jr.

Ayon sa pulisya, si Espino — na naging chairman ng Bgy. Cacutud bago naging alkalde — ang pinuno ng Espino Criminal Gang na kumikilos sa Pampanga.

Nasamsam mula sa bahay ng dating alkalde ang 19 na transparent plastic sachet na may hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P450,000; isang Baby Armalite M16 Bush Master; dalawang magazine para sa caliber 5.56mm; 75 bala ng caliber 5.56mm; tatlong .45 caliber; anim na magazine assembly ng .45 caliber; isang .9mm Beretta at magazine assembly nito; 15 bala ng .9mm; 90 bala ng caliber 30; tatlong granada, dalawang rifle grenada at drug paraphernalia.

(FRANCO G. REGALA)