Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na ilabas ang mga transaction history ng mga bank account nito, alinsunod na rin sa pinirmahan nitong bank secrecy waiver.
Ito ang inihayag ng Malacañang kasunod ng muling paggiit kahapon ni Senator Antonio Trillanes IV na may mahigit P2 bilyon ang Pangulo sa mga bank account nito.
Gayunman, nilinaw ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang kahandaan ng Presidente na isapubliko ang kanyang bank transaction history ay “not in response to grandstanding.”
“Not in response to grandstanding. If necessary and within the right context, due process. But not just to respond to grandstanding,” paglilinaw ni Abella sa press briefing kahapon.
NAKADEPENDE SA BANGKO
Sinabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na “valid” pa rin at “never been recalled” ang waiver na pinirmahan noong Mayo 2016 ni Duterte upang buksan ang kanyang account sa Bank of the Philippine Islands (BPI)-Julia Vargas Branch.
“You must remember the documents signed by the President authorizing the bank to reveal his account so the ball is on the bank to do it, not on the President’s,” sabi ni Panelo. “Under the law, they cannot release but we already signed a waiver so that’s up to the bank.”
Ayon kay Abella, inuulit lamang ni Trillanes ang luma nang isyu na ayon sa kanya ay “part of the noise of political landscape”, at hinamon ang senador na maghain ng reklamo sa kaukulang awtoridad.
“It’s best to do it according to due process,” sabi ni Abella. “I think these are serious accusations, which Mr. Trillanes should be careful about.”
‘MAGRE-RESIGN AKO’
Kahapon, muling binigyang-diin ni Trillanes ang hamon niyang magbibitiw bilang senador kung mapatutunayang mali ang alegasyon niyang may P2.2 bilyon sa bank account si Duterte mula 2006 hanggang 2015.
Kaugnay nito, iprinisinta ng senador sa mga mamamahayag ng Senado ang mga dokumentong susuporta sa kanyang alegasyon.
“Kaya muli, inuulit ko ang aking hamon na patunayan niya na mali ako. Na meron siyang mahigit P2 bilyon sa kanyang bank accounts. At ‘pag nailabas niya ito, ‘yung transaction history niya, at ako ay mali, ako po ay magre-resign dito sa Senado,” ani Trilllanes.
Iginiit naman ni Senator Alan Peter Cayetano, kilalang kaalyado ni Duterte, na luma at kuryente ang isyung iginigiit ni Trillanes laban sa Presidente.
“Wittingly or unwittingly, Senator Trillanes is allowing himself to be used by these persons (behind the illegal drug trade and illegal gambling operations). He is their battering ram. Panay kuryente bigay sa kanya,” ani Cayetano.
(BETH CAMIA, GENALYN KABILING, LEONEL ABASOLA at MARIO CASAYURAN)