MASUSUKAT ang kakayahan ng batambatang si IBF Intercontinental super flyweight champion Jonas Sultan sa pagdepensa ng kanyang titulo kay dating WBC at Ring Magazine flyweight titlist Sonny Boy Jaro sa Marso 19 sa Makati Cinema Boxing Arena sa Makati City.
Huling nanalo ang 25-anyos na si Sultan sa Eastern Cape, South Africa kung saan pinatulog niya sa 3rd round si dating world rated Makazole Tete para maiuwi sa Pilipinas ang IBF regional title.
Beterano naman ang 34-anyos na si Jaro na mula nang ma-upset ng kababayang si Gerpaul Valero noong 2013 sa Cebu City noong 2013 ay nagtala ng siyam na sunod na panalo, kabilang ang anim sa pamamagitan ng knockout tampok ang panalo kay WBO No. 13 Shota Kawaguchi.
May rekord si Jaro na 43-13-5, kabilang ang 30 knockout at natamo niya ang WBC International super flyweight title kamakailan kaya nakalista ngayon bilang No. 14 contender kay WBC super flyweight titlist Roman Gonzalez ng Nicaragua.
Nakatala namang No. 14 challenger si Sultan kay IBF junior bantamweight titlist Jerwin Ancajas ng Pilipinas taglay ang kartadang 12-3-0 win-loss-draw na may 8 panalo sa knockouts. (Gilbert Espeña)