NEW YORK (AP) — Sa wakas, naibangon ng Knicks ang dangal sa harap ng nagbubunying home crowd.

Hataw si Carmelo Anthony sa naiskor na 25 puntos para sandigan ang New York Knicks sa 94-90 panalo kontra San Antonio Spurs nitong Linggo (Lunes sa Manila) para matuldukan ang five-game losing skid sa Garden.

Dalawang araw matapos maipahayag ang banned kay dating Knicks star Charles Oakley, dinagsa ang Garden ng mga dating player, kabilang si Latrell Sprewell na mistulang nagbigay lakas sa Knicks na maisalba ang laban.

Nitong Sabado, napayagan ng Knicks ang Denver Nuggets na makaiskor ng 131 puntos, habang sadsad din sila laban sa Cleveland Cavaliers at Los Angeles Clippers at Lakers.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nanguna si Kawhi Leonard sa Spurs (41-13) sa naiskor na 36 puntos.

PISTONS 102, RAPTORS 101

Sa Toronto, ratsada sina Tobias Harris sa naiskor na 24 puntos at Kentavious Caldwell-Pope na may 21 puntos, kabilang ang go-ahead 3-pointer sa huling 13.2 segundo sa panalo ng Detroit Pistons kontra Raptors.

Nag-ambag si Andre Drummond ng 10 puntos at 18 rebound para sa ika-36 double-double ngayong season.

Kumubra si DeMar DeRozan ng 26 puntos sa Toronto, habang kumana si Jonas Valanciunas ng 17 puntos at siyam na rebound.

TIMBERWOLVES 117, BULLS 89

Sa Minneapolis, kumana si Andrew Wiggins ng 27 puntos, habang tumipa si Karl-Anthony Towns ng 22 puntos para gabayan ang Minnesota kontra Chicago.

Nag-ambag s Ricky Rubio ng 17 puntos, 11 assist at anim na rebound at tumipa si Gorgui Dieng ng 10 puntos at 13 rebound.

Nagsalansan si Doug McDermott ng 16 puntos para sa Bulls. Hindi nakalaro sina Jimmy Butler, Dwyane Wade, Nikola Mirotic at Paul Zipser bunsod ng injury.

KINGS 105, PELICANS 99

Sa Sacramento, California, ginapi ng Kings, sa panguguna ni DeMarcus Cousins na nagtumpok ng 28 puntos, 14 rebound at pitong assist, ang New Orleans Pelicans para sa ikatlong sunod na panalo.

Nag-ambag si Darren Collison ng 20 puntos at walong assist sa Kings.

Nanguna si Anthony Davis sa Pelicans sa naisumiteng 32 puntos at 10 rebound.