ni Aaron Recuenco
Dalawang pulis ang unang nasampolan ng task force na binuo ng Philippine National Police (PNP) sa pagtugis sa mga tiwaling tauhan nito.
Ayon kay Senior Supt. Chiquito Malayo, head ng Counter-Intelligence Task Force (CITF), nadiskubre nila ang pangongotong ng dalawang pulis na nakatalaga sa Manila Police District sa pamamagitan ng text message ng isang impormante.
“The information was relayed to us through a text message to the cellphone number that we gave to the public during our launching,” pahayag ni Malayo sa Balita.
Kinilala ang dalawang pulis na isang SPO2 Magduyan at isang PO3 Candelario, kapwa nakatalaga sa MPD Station 9.
Hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye ni Malayo dahil ihaharap ngayong Lunes ang dalawang pulis-Maynila kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa.
Ngunit sinabi niya na inaresto ang dalawa sa entrapment operation sa Quirino Avenue sa kanto ng Mother Ignacia sa Malate, Maynila dakong 4:00 ng madaling araw kahapon.