GEN. TINIO, Nueva Ecija - Arestado ang isang 57-anyos na magsasaka makaraan siyang inguso ng taong inutusan niyang maglibing sa umano’y aksidente niyang napatay sa Barangay Rio Chico sa General Tinio, Nueva Ecija.
Kinilala ng Gen. Tinio Police ang naarestong si Rolly Ramos Cuaresma, ng Sitio Pulang Lupa, Bgy. Rio Chico, matapos itong ituro ni Jimmy Cabildo Reyes, na labis umanong nakonsensiya sa pakikipagsabwatan sa suspek.
Ayon sa imbestigasyon, nagkainuman sina Cuaresma at Reyes kasama si alyas “Boy Bisaya” nang magtalo ang huli at ang suspek hanggang sa mabaril at mapatay ni Cuaresma ang biktima.
Nagpatulong umano si Cuaresma kay Reyes sa pagbaon sa biktima sa tabing ilog ilang metro ang layo sa kanilang inuman. (Light A. Nolasco)