Sinabi ni Pangulong Duterte kahapon na hindi niya mamadaliin ang pagdedesisyon sa mga susunod na hakbang ngayong nagpasya na ang New People’s Army (NPA) na bawiin ang unilateral ceasefire nito sa Pebrero 10.
Ayon kay Duterte, mahirap ito para sa kanya dahil napakalaki ng inaasahan sa kanya ng mga rebelde dahil lamang siya ang bagong Pangulo ngayon.
“Mahirap ‘yang akala ninyo ako lang, kasi nanalo ako, tapos ako na (ang Presidente). I have to be very, very careful.
There is Congress to consider, which is a co-equal body,” sabi niya sa National Convention of Philippine Association of Water Districts sa Davao City kahapon.
“So, nag-withdraw kayo sa ceasefire. So, am I supposed to do the same? Gaya-gaya, puto maya. Just go ahead. I will decide in the fullness of God’s time,” aniya.
Ang NPA, sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalitang si Ka Oris, ay nagpahayag ng pag-atras sa kanilang unilateral ceasefire nitong Miyerkules.
Ayon kay Duterte, gusto ng mga NPA na palayain niya ang 400 political prisoner, isang bagay na hindi niya basta-basta maibigay.
“Now they want 400 released. My God, that is already releasing all. Para na akong nag-amnesty,” sabi ni Duterte, tungkol sa usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway na katatapos lang ng ikatlong round.
“‘Pag ang military magalit, they would oust me, would kill me, you have nobody talking to you,” banta niya, at idinagdag na susuportahan ng militar ang NPA kung tama ang katwiran ng huli. (Argyll Cyrus B. Geducos)