Leonard nanguna sa San Antonio; Raptors , lusot sa OT.
SAN ANTONIO, Texas (AP) – Nabitiwan ng Spurs ang 18 puntos na bentahe sa third period, ngunit, sapat ang katatagan ni Kawhi Leonard para sandigan ang San Antonio sa 108-94 panalo kontra Oklahoma City Thunder nitong Martes (Miyerkules sa Manila) sa AT&T Center.
Hataw si Leonard sa naiskor na 36 puntos, tampok ang 12 puntos sa final period para pangunahan ang Spurs sa 29-19 run matapos makahabol ang Thunder sa 18 puntos na bentahe.
Tinuldukan ng Spurs ang kampanya sa impresibong 13-0. Tangan ng San Antonio ang 18 puntos na kalamangan sa third period bago rumatsada si Russel Westbrook, ngunit nagpakatatag ang Spurs para maihabi ang ikawalong panalo sa home city.
Nanatiling kumikig si Westbrook, hindi naglaro sa final period nang umabot sa double digit ang bentahe.
WIZARDS 117, KNICKS 101
Sa Washington, hindi nakatagal si Carmelo Anthony sa ‘outside shootout’ laban kay Bradley Beal, sapat para mapatupi ng Wizards ang New York Knicks.
Nagsalansan si Beal ng 28 puntos, habang kumabig si Markieff Morris ng 24 puntos at kumubra si John Wall ng 15 puntos at 13 assist para sa ikalimang sunod na panalo ng Wizards at kabuuang 11 sa huling 13 laro.
Naitala ni Beal ang 12-of-18 sa floor, habang humugot si Anthony ng 10-of-17 para sa 26 puntos.
Umangat ang Washington sa 28-20 para makatabla ang Atlanta Hawks sa liderato sa Southeast standing. Ang Wizards ang ikalawang pinakamainit na koponan sunod sa Golden State Warriors, nagwagi ng 12 laro sa kabuuan ng Enero.
RAPTORS 108, PELICANS 106, OT
Sa Toronto, naisalpak ni Kyle Lowry ang jumper may 4.3 segundo sa overtime para mailusot ang Raptors kontra New Orleans Pelicans.
Kumubra ang All-Star guard ng 33 puntos at 10 assist, habang tumipa si Jonas Valanciunas ng 20 puntos at 12 rebound para sa ikatlong sunod na panalo ng Toronto.
Nanguna sa Pelicans si Jrue Holiday na may 30 puntos, habang kumana si Anthony Davis ng 18 puntos at 17 rebound para sa ika-30 career double-double.
Sa iba pang laro, ginapi ng Houston Rockets, sa pangunguna ni Ryan Anderson na kumana ng 25 puntos at 11 rebound, ang Sacramento Kings, 105-83.