Hindi sumipot si dating Senator Ferdinand Marcos Jr. at ang kanyang abogado sa agreement signing nila ng abogado ni Vice President Leni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal sa harapan ng Manila Cathedral sa Intramuros, Manila kahapon.
Ilang oras na naghintay si Macalintal kay Marcos at sa spokesperson nitong si Atty. Vic Rodriguez, ngunit hindi sila dumating.
Sinabi ni Macalintal na ang hindi pagsipot nina Marcos at Rodriguez ay malinaw na pag-amin at patunay na ang kanilang alegasyon ng malawakang pandaraya sa halalan ay “baseless, frivolous, self-serving” at para lamang sa publicity.
“If Marcos and Rodriguez are sure and confident on their said accusation, they should be bold enough to sign this Memorandum of Agreement which is self-explanatory,” diin ng abogado ni Robredo.
Naghamon si Macalintal na magkita sila sa Manila Cathedral, at lumagda sa kasunduan na kapag hindi napatunayan ang alegasyon ni Marcos at ng kanyang mga abogado na nagkaroon ng dayaan sa halalan, iuurong ni Marcos ang kanyang election protest laban kay Robredo. (Raymund F. Antonio)