TARLAC CITY - Sa kabila ng puspusang kampanya ng pulisya kontra droga ay mayroon pa ring lumalabag dito, gaya ng tatlong pinaniniwalaang durugista na naaresto sa buy-bust operation sa Sitio Riverside sa Panampunan, Barangay Sepung Calzada, Tarlac City, nitong Linggo ng hapon.
Sa ulat kay Tarlac City Police chief Supt. Bayani Razalan, dinampot umano sa aktong bumabatak sina Darwin Manalili, 18; Remer Joe Feliciano, 21; at Jericho Salunga, 18, pawang residente ng Sitio Proper, Bgy. Armenia, Tarlac City.
Nakatakas naman si Rowel Capiz, alyas Memeng, nasa hustong gulang.
Nakarekober ang mga pulis mula sa isa sa mga suspek ng isang plastic sachet na may 0.198 gramo ng hinihinalang shabu na binili ng poseur buyer sa halagang P1,000.
Nakumpiska pa mula sa tatlong naaresto ang apat na plastic sachet na naglalaman ng 0.806 gramo ng shabu at drug paraphernalia. (Leandro Alborote)