Nais ng gobyerno ang mabilis pero masusing imbestigasyon sa pagdukot sa negosyanteng Korean na si Jee Ick-joo na pinatay ng umano’y mga pulis sa loob ng Camp Crame, lalo na dahil nakaantabay ang mundo kung paano reresolbahin ng Pilipinas ang eskandalo, ayon sa isang opisyal ng Malacañang.
Sinabi ni Presidential Communications Assistant Secretary Ana Marie Banaag na inaasahan nilang kaagad na mailalabas ng mga awtoridad ang resulta ng imbestigasyon nito upang kaagad na mapanagot ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen.
“This is serious matter kasi it involves a foreign national who is staying in the country and maraming mga sensitivities tayo dito, and tinitingnan tayo ng ibang bansa kung papaano natin reresolbahin ito,” sinabi ni Banaag nang kapanayamin ng DZRB.
“I’m sure they have timelines for the investigation and coming up with a resolution kung sino ‘yung mga dapat na managot tungkol sa krimen na ‘yan,” sabi ni Banaag.
Personal nang humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa South Korea kaugnay ng pagdukot at pagpatay umano ng ilang pulis kay Jee sa loob mismo ng national headquarters ng Philippine National Police (PNP) noong Oktubre 18, 2016.
Tiniyak na rin ng Pangulo na papatawan ng “maximum” na parusa ang nasa likod ng krimen, at pinagbantaan pa ang mga pulis na isinasangkot sa krimen na ipadadala niya sa South Korea ang ulo ng mga ito.
Bagamat ilang beses nang binigyang-diin ang suporta niya sa pulisya at militar, una nang tiniyak ni Duterte na mananagot ang mga tiwaling pulis na mapatutunayang sangkot sa kidnap-slay.
Ipinag-utos na rin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael Mike Sueno na kaagad arestuhin ang mga pulis na sangkot sa krimen, at inaasahang maisasakatuparan na ito sa mga susunod na araw.
Sinabi ng kalihim na sa loob ng isang linggo ay may aarestuhin nang mga police scalawag, na labis na aniyang nakaaapekto sa imahe ng PNP, partikular na sa kaso ni Jee. (Genalyn D. Kabiling at JUN FABON)