MELBOURNE, Australia (AP) — Duwelo nang ‘datan’ ang matutunghayan sa kalahati ng Final Four match-up sa women’s single. At kung mapapatahimik ni Venus Williams ang ngitngit ng giant-slayer na si Coco Vandeweghe, labanan ng ‘thirty-something’ ang championship ng 2017 Australian Open.
Umabot si Serena Williams sa ika-10 sunod na Grand Slam semifinal at panatilihing buhay ang kampanya para sa record 23rd major title nang gapiin si Johanna Konta, 6-2, 6-3, nitong Miyerkules.
Sunod niyang makakaharap si Mirjana Lucic-Baroni, nagwagi kay fifth-seeded Karolina Pliskova 6-4, 3-6, 6-4,-- para sa unang pagsabak sa semifinals sa nakalipas na 18 taon sa Tour.
Nauna rito, naisaayos nina Venus, nakatatandang kapatid ni Serena , at nang kababayang si Vandeweghe, ang hiwalay na semifinal duel.
Ito ang ikalawang pagkakataon sa nakalipas na dalawang taon na tatlong player na may edad 30-pataas ang kabilang sa Final Four ng major tournament. Edad 36 si Venus, habang 35 si Serena at 34 si Luci-Baroni. Nasa kainitan si Vandeweghe sa edad na 24.
Noong 2015 US Open, nakasama rin ni Serena sa semifinals ang 30-something na sina Flavia Pennetta at Roberta Vinci.
“Thirties is the new 10,” pahayag ni Serena.
“No matter what happens, somebody 34 or older will be in the final,” sambit ni Serena, umiskor ng 10 ace laban kay Konta.
“The main focus is actually my serve.I missed a lot today. I got a little frustrated,” aniya.
Huling nakaabot sa semifinals ng major si Lucic-Baroni noong 1999 Wimbledon sa batang edad na 17 kung saan nakaharap niya ang noo’y record-holder (22 major title) na si Steffi Graf ng Germany. Nagwagi si Graf, ngunit nabigong makuha ang ika-23 title laban kay American Lindsay Davenport.
“I know this means a lot to every player to reach the semifinals, but to me, this is just overwhelming,” pahayag ni Lucic-Baroni.”This has truly made my life and everything bad that happened, it has made it OK.”
Ang 79th-ranked na si Lucic-Baroni ang player na may pinakamababang rank na nakausad sa semifinals ng Australian Open sa likod nina Justine Henin (unranked, 2010), Claudia Porwick (No. 81, 1990) at Williams (No. 81, 2007).