BAY, Laguna – Dalawang umano’y tulak ng droga ang napatay habang sugatan naman ang isang pulis matapos silang magkaengkuwentro sa district road ng Barangay Dila sa Bay, Laguna kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Chief Insp. Marlon M. Calogne, hepe ng Bay Police, ang pulis na nasugatan sa buy-bust na si PO1 Jeremias Ramos, na nabaril sa kaliwang braso, habang napatay naman sa bakbakan sina Frederick A. Fule, ng Bgy. San Lucas Putol sa San Pablo City; at Ryan Ferdie M. Pulutan, 34, ng Bgy. Lumot, Calauan.

Ayon sa report, bandang 1:30 ng umaga at nagsilbing poseur buyer si PO1 Ramos ngunit nang makahalata ang mga suspek ay binaril nila ang pulis.

Kaagad namang nakaganti ng putok ang mga papalapit na kasamahan ni Ramos at kapwa napuruhan ang mga suspek.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Isinugod si PO1 Ramos sa Bay District Hospital.

Narekober naman ng mga awtoridad mula kay Fule ang isang cell phone, P400 cash, pitong maliliit na plastic sachet na may hinihinalang shabu, drug paraphernalia at isang kargadong .45 caliber pistol. Nasamsam naman kay Pulutan ang isang cell phone, tatlong maliliit na plastic sachet na may hinihinalang shabu, isang .38 caliber revolver, maroon na Kia Pride (TSG-682) color, at mga basyong cartridge case ng .45 caliber at M16.

Dinala sa Susan Vasquez Funeral Parlor sa Bgy. Maahas, Los Baños ang bangkay ng dalawa, ayon kay Chief Insp. Calogne.

(Danny J. Estacio)