Untitled-1 copy

Aussie top fighter Jeff Horn, estranghero kay Pacquiao.

BRISBANE, Australia – Hindi pa nakikita ni Manny Pacquiao ng personal ang makatutunggaling si Jeff Horn at maging ang fighting style ng Australian undefeated champion ay tunay na estranghero para sa eight-division world champion.

Sa kabila nito, ipinahayag ni Pacquio na nasasabik siya sa magiging resulta ng kanyang laban na posible na maganap sa Down Under – estranghero rin sa boxing career ng one-time pound for pound champion.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa panayam ng Fox Sports Australia, iginiit ng tinaguriang ‘People’s Champion’ na hindi pa pormal ang pagsang-ayon niya na labanan ang sumisikat na si Horn na ipinapalagay na pinakamalaking boxing world title fight na magaganap sa kasaysayan ng Australia.

Ngunit, bukas siya sa posibilidad at hindi magdadalawang-isip sakaling maging pormal ang lahat ng usapin para itaya ang kanyang WBO welterweight world title laban sa 28-anyos na dating guro sa high school.

“I cannot say if he’s ready because I didn’t see his style or his face yet, so I don’t know,” pahayag ni Pacquiao sa Fox Sports News 500.

“He needs to prove it in the ring. Because in my previous fights many of them are saying they will stop me, they will knock me out and it’s not happening,” aniya.

Higit ang pananabik ni Horn sa pinakamalaking laban sa kanyang boxing career, sa pangangasiwa ng kanyang promoter na Duco Events. Target itong maganap sa Suncorp Stadium sa Abril 23.

Nagsumite na ng proposal ang Duco Events sa Queensland government para suportahan pagsasagawa ng world title fight ng kanilang pambatong boxer. Iginiit ng Duco Event na kikita angpamahalaan ng Queensland ng US$ 200 milyon mula sa turistang inaasahang dadagsa sa lungsod ng Brisbane – kung saan pambato si Horn at pinakasikat si Pacman.

Sa mga nakalipas na laban ni Pacman sa America at Macau, umabot sa US$400 milyon ang kinita sa turismo ng lungsod. Sa Australia at kalapit na New Zealand, libo-libo ang Pinoy na nagmigrante at overseas worker.

Sinabi ni Pacquiao na hindi pa niya nakakausap ng pormal si Bob Arum, promoter niya sa Top Rank hingil sa naturang laban, gayundin nakatuon ang kanyang pansin sa mga trabaho bilang isang Senador.

“We’re not finalising yet, the fight or a future fight. I didn’t talk to Bob Arum about that yet,” pahayag ni Pacquiao.

Hindi masyadong iniisip ni Pacquiao ang laban kay Horn (16-0-1), ngunit inamin niyang nasasabik siya na makabalik sa Australia.

“I’m hoping that the fight will be in Australia, I’d love to do that,” sambit ni Pacquiao. “I’ve been to Australia once or twice.”

Sa kabila ng edad, matagumpay ang huling laban ni Pacman kung saan naagaw niya ang korona kay Jessie Vargas via unanimous decision noong Nobyembre. Tangan ang 59-6-2 karta, inamin ni Pacquiao na nalalapit na ang takip-silim sa kanyang boxing career, ngunit sa kasalukuyan malupit pa rin ang kanyang mga kamao.

“I’m still there [at my peak],” pahayag ni Pacquiao.

“It depends how you discipline yourself and how you work hard in training. I love exercise, I love working out.”

Wala pang talo si Horn sa nakalipas na 17 laban at kasalukuyang No.2 contender sa WBO welterweight title ni Pacman.