DAGUPAN CITY, Pangasinan - Bangkay na nang matagpuan kahapon ng mga residente ang isang senior citizen na ilang araw nang nawawala sa Vintar, Ilocos Norte.
Kinilala ng Ilocos Norte Police Provincial Office ang lalaki na si Tommy Agpalza, 61, may asawa, ng Barangay 14, Ester sa Vintar.
Enero 12 nang iulat ng maybahay ni Agpalza ang kanyang pagkawala at kahapon ay natagpuan ang wala nang buhay na matanda sa balon sa palayan sa Zanjera Wanggil sa Bgy. 14.
Inaalam pa ng pamilya kung ano ang ikinamatay ng biktima. (Liezle Basa Iñigo)