RIA AT SYLVIA copy

ABALA kami sa deadline nitong Miyerkules ng hapon habang umeere ang The Greatest Love na ang ipinalabas ay nang ipatawag ni Mama Gloria (Sylvia Sanchez) ang lahat ng mga anak niyang ginagampanan nina Dimples Romana, Andi Eigenmann, Aaron Villaflor, Mat Evans at apong si Joshua Garcia.

Panay ang tunog ng cellphone namin habang nagtitipa kami dahil nagkokomento ang mga katoto at non-showbiz friends ng, ‘Pakisabi kay Sylvia, sobrang iyak namin sa TGL,’ ‘Grabe, bumaha luha namin habang nanonood kami,’ at marami pang iba.

Nagkibit-balikat lang kami. Alam nila na malapit kami kay Ibyang. At sanay na rin kami na marami ang bumabati kapag napapanood siyang umaarte, kaya kalma lang kami at tuloy sa pagtipa.

Human-Interest

ALAMIN: Mga inisyatibo ng NCCA sa pagpapakilala ng kultura ng mga katutubo

Hanggang sa bumaha na ang timeline namin sa iba’t ibang reaksiyon ng mga nakapanood ng The Greatest Love na pinanood yata ng buong Pilipinas.

Nag-post na rin ang mga kaibigan at kaanak namin sa ibang bansa, at hayun, kanya-kanyang bati rin kay Ibyang at sa buong cast na ang gagaling daw lahat, walang naiwan. Pati raw ‘yung kaibigan ng aktres na tinatawag niyang ‘bes’ ay hindi rin nagpahuli sa pag-arte.

Resulta, number one trending worldwide ang episode na may hashtag na #TGLTheDeepImpact -- nang malaman ng mga anak na may Alzheimer’s Disease si Mama Gloria, boom! Kinabog ang lahat ng programang umeere sa timeslot na iyon.

Iyon pala ang pinagkaguluhan ng viewers ng TGL, nalaman na ng buong mundo ang itinatagong sakit ni Mama Gloria.

Sa totoo lang, Bossing DMB, kahapon ng umaga lang namin pinanood ang eksenang nagpa-trending sa TGL, ‘yung magkakaharap at nagtatalu-talo silang lahat sa dining room at tinanong ni Mama Gloria kung sino ang mga taong kaharap niya na ang iingay daw. Nag-iyakan na lahat ng mga anak, pero ang apong si Joshua ang sumalo at sinabing maysakit ang Mommy ‘La niya sabay pakita ang cellphone na pinanood ng mga anak habang nasa loob na ng kuwarto ang nanay nila kasama ang apo.

Nakakatawa dahil panay na rin ang punas namin ng luha, dire-diretso ang agos. Ha-ha-ha-ha, late na naman kami ng isang araw bago naka-relate sa mga reaksiyong nabasa namin sa social media noong Miyerkules ng hapon.

Hindi na namin babanggitin kung sinu-sino ang mga artistang babae na pawang mahuhusay umarte at premyado pa ‘yung iba, na bumati kay Sylvia na ang sinabi ay, “Paano naman kami? Tapos na, uwian na, may nanalo na ng best actress.”

True, hindi na kataka-taka kung ma-nominate si Sylvia sa award-giving bodies ngayong 2017.

Samantala, naririto ang post ni Ibyang sa Instagram: “Ito ang masarap na premyo pagkatapos ng mahabang eksenang mabigat sa dibdib, ang sorpresahin ako ng anak ko sa set at sabihing, congrats mom, galing mo! Hayyyyy! ‘Kaiyak!!

Salamat potpot@riaatayde, you never fail to surprise me and make me feel loved? #myeverything#mylife #daughter #family #happiness#blessed #priceless #grateful#thankuLORD.”

(Editor’s note: Dinalaw ni Ria si Ibyang sa set ng The Greatest Love, at ang kuha sa kanilang mag-ina ang ginamit namin sa item na ito.) (Reggee Bonoan)