Iniulat ng intelligence community ng pulisya ang pagpasok sa bansa ng lima hanggang 10 dayuhan na may kaugnayan sa isang international terror group, na ang pangunahing layunin ay magsanay sa ilalim ng mga lokal na grupong terorista sa Mindanao.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald dela Rosa na iba’t ibang bansa ang pinagmulan ng mga dayuhan na dumating sa bansa sa magkakaibang petsa.

Sa lahat ng dayuhan, inamin ni Dela Rosa na pinakamahirap tukuyin ang nagmula sa mga kalapit nating bansa dahil sa malaking pagkakahawig ng mga ito sa mga Pilipino.

“They look like Filipinos too and when they learn our language or even the ethnic dialects, that’s what makes it difficult to distinguish them from Filipinos,” ani dela Rosa.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ito ang inihayag ni Dela Rosa kasunod ng pagkamatay ng isang Sudanese sa follow-up operation laban sa mga natitirang kasapi ng Al Khalifa Philippines sa Maasim, Sarangani nitong Sabado.

Kinilala ang Sudanese bilang isang “Abu Naila”, na napatay makaraan umanong manlaban sa awtoridad. Napatay din ang isang babaeng residente, na nakilala lamang sa pangalang Kadija.

Ang operasyon ay bahagi ng follow-up operation sa bayan ng Kiamba nitong Huwebes, na ikinasawi ng AKP leader na si Mohammad Jaafar Maguid, alyas Tokboy, at tatlong tauhan nito.

Napaulat na kinumpirma naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nakipagkita ang mga dayuhang terorista kay Maguid bago napatay ang huli.

Ayon sa report na nakarating sa police intelligence community, nagtutungo sa Pilipinas ang mga nasabing dayuhan para magsanay bago i-deploy sa ibang bansa.

Sa kaso ng Sudanese, nakatakda umano nitong tapusin ang pagsasanay sa AKP para maipadala na sa Syria.

Sa kabila ng malinaw na ugnayan ng AKP at ng iba pang grupong terorista sa Mindanao sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), itinanggi ng mga security official na mayroon nang matibay na alyansa ang mga international terror group sa mga lokal na grupong terorista sa bansa. (AARON RECUENCO at FER TABOY)