track_cycling-copy

Anim na buwan na lamang ang natitirang panahon para sa paghahanda ng Philippine Track Cycling Team subalit walang lugar na mapagsasanayan ang pambansang koponan para sa nalalapit nitong pagsabak sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia na gaganapin simula Agosto 19 hanggang 31.

Ito ay dahil patuloy na pinoproblema ng pambansang koponan kung saang lugar magsasanay at maghahanda ang mga pambansang siklista na target ang dalawang ginto sa pagsabak nito sa paglalabanang walong event sa track cycling sa kada dalawang taong torneo.

Sinabi ni Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhiCycling) national track coach Carlo Jasul na hindi na makapag-ensayo ang walo kataong national track cycling pool sa nag-iisang velodrome sa bansa sa Quezon City dahil halos okupado na ang lugar ng iba’t ibang aktibidad ng lokal na pamahalaan at religious groups.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Gusto sana namin all-out na ang training pero iyung velodrome ay hindi na kami puwede dahil maraming aktibidad.

Kapag walang activity saka lang kami nakakasingit pero putul-putol ang training namin dahil paiba-iba gumagamit,” sabi ni Jasul.

“Out na rin kami sa next three months dahil hindi na kami puwede mag-train dahil punung-puno ang sched ng venue.

Minsan kami ang naka-schedule pero bigla kaming naba-bump-off at tinatanggal din kami sa sched kapag may event ang QC government,” sabi pa ni Jasul.

Walong gintong medalya ang paglalabanan sa track cycling kung saan nakatutok ang PhilCycling na maiuwi ang dalawang ginto sa pagsabak sa inaasahang pagkukunan ng medalya na Omnium, Scratch at Olympic sprint event.

“Ang sure pa lamang natin sa team ay si Jan Paul Morales na sasabak sa omnium at scratch. Right now, we are still looking for new track riders bago ang deadline sa pagsubmit ng entry by name sa July 18. Walong track rider ang nasa pool natin but they are designed o inihahanda natin for 2019 Manila SEA Games” sabi pa ni Jasul.

Ang apat ay binubuo nina Morales, Rudy Roque, Archie Cardana at Christian Reyes.

“May isa pang potential pero 17-years old pa lang siya at depende kung papayagan siya ng organizers sumali,” paliwanag ni Jasul.

“Sa ngayon ay sa mga kalsada na lang muna kami nagte-training dahil wala talagang lugar ensayuhan,” sabi ni Jasul na nais lampasan ang huling pagwawagi noong 2011 SEA Games sa pagwawagi ng 2 ginto, 2 pilak at 4 tanso sa pinakahuling pagsasagawa ng track events sa cycling. (Angie Oredo)