Si George Conway, isang Filipino American corporate lawyer at asawa ng senior adviser ni US President-elect Donald Trump na si Kellyanne Conway, ang napipisil na maging susunod na solicitor general ng Amerika.
Kapwa iniulat ng Bloomberg at CNN na si Conway ay kabilang sa shortlist ng mga kandidato na ikinokonsidera para sa ikatlong pinakamataas na posisyon sa US Justice Department.
Kapag itinalaga ni Trump si Conway sa posisyon, ang corporate lawyer ang magiging unang Asian-American solicitor general.
Sa nakalipas na 28 taon, si Conway ay naging partner sa isa sa mga nangungunang corporate law firm sa New York na Wachtell, Lipton, Rosen & Katz. Sa kasalukuyan, siya ay nagtatrabaho sa litigation department ng firm.
Nag-kolehiyo siya sa Harvard, at nagtapos sa Yale Law School noong 1987. Kinatawan ni Conway ang high-profile clients kabilang na ang National Football League at tobacco giant na Philip Morris.
Ang Fil-Am lawyer ay nagkaroon din ng papel sa impeachment ni dating US president Bill Clinton noong 1998. Bahagi siya ng legal team ni Paula Jones, na naghain ng sexual harassment lawsuit laban kay dating US President Bill Clinton. (MB Online)