KINAILANGAN ng season host University of Santo Tomas na pag-igihin pa ang kanilang kampanya sa pagbubukas ng second semester ng UAAP Season 79 sa susunod na buwan upang makamit ang asam na ika-41 general championship.
Tiyak na aantabayanan ang magiging kampanya ng kanilang men’s team lalo na ang kanilang women’s volleyball squad na nagpakita ng malaking improvement sa kanilang laro sa mga nagdaang pre- season tournaments.
Dahil dito, itinalaga sila bilang isa sa magiging balakid sa kampanya ng defending champion La Salle na siya namang pinakamalapit nilang kaagaw sa overall championship.
Bukod sa volleyball, ang iba pang mga events sa second semester calendars na sisimulan din sa susuod na buwan ay ang football, lawn tennis, baseball, softball, athletics at fencing.
Matapos ang mga events sa first round, nangunguna ang Tigers sa puntos sa kabila ng pagtatapos na kulelat sa men’s basketball sa natipon nilang 161 puntos.
Pumapangalawa sa kanila ang Green Archers na may 149 puntos, pangatlo ang University of the Philippines na may 123 puntos, pang- apat ang Ateneo na may 117 at panglima ang National University na may 109 puntos.
Nasa pang- anim na posisyon naman ang Far Eastern University(78), pampito ang University of the East (67) at pangwalo ang Adamson(47). (Marivic Awitan)