URDANETA CITY, Pangasinan – Labintatlo sa 41 baril na nawawala sa armory ng Urdaneta City Police sa Pangasinan ang naibalik na.
Inihayag ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) na 13 baril ang boluntaryong isinuko ng mga negosyante na nakabili sa mga ito matapos nilang malaman ang iregularidad tungkol dito.
Sinabi ni Supt. Jackie Candelario, deputy police provincial director for operations, na isinuko ang mga baril matapos makumpirma ng mga nakabili sa mga ito na iniimbestigahan na ng Pangasinan PPO at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga ito.
Una nang sinibak sa puwesto ang walong pulis at isang non-uniformed personnel sa pulisya rito dahil sa mga nawawalang baril. (Liezle Basa Iñigo)