DAVAO CITY – Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na 92 opisyal na ng gobyerno ang sinibak niya sa serbisyo matapos maakusahan ng kurapsiyon, sa gitna na rin ng kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian sa simula pa man ng kanyang pagkapangulo.

Ito ang inihayag ng Pangulo sa harap ng mga opisyal ng barangay sa Davao City, nitong Martes ng gabi.

“’Di ba ang akong promise, no corruption (‘Di ba ipinangako kong ‘no corruption?’) And when I was mayor, I never allowed you to—strikto kaayo ko (Sobra akong istrikto). So let us make our promises a reality,” anang Pangulo.

Sa taya ni Duterte, mayroon nang 92 opisyal mula sa mga ahensiyang tulad ng Energy Regulatory Commission (ERC), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanyang sinibak simula nang maging presidente siya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabilang din sa mga ito ang dalawa niyang fraternity brother mula sa Bureau of Immigration (BI) na nasangkot sa bribery scandal sa unang bahagi ng buwang ito—sina Deputy Commissioners Al Argosino at Michael B. Robles, na nasangkot sa pagtanggap ng P50 milyon sa pagpapalaya sa ilan sa mahigit 1,000 Chinese na naaresto sa ilegal na pagtatrabaho sa Fontana Leisure Park sa Clark, Pampanga.

Gayunman, aniya, ipinag-utos niyang huwag nang isapubliko pa ang pagsibak sa nabanggit na mga opisyal.

“Likayi gyud ninyo nang corruption (Iwasan n’yo ang kurapsiyon) because I cannot help you ‘pag nasabit kayo. As a matter of fact naa koy mga—giingnan ta mo, (Mayroong ilan na—sinabihan ko na sila) it leaves a bad taste to say it, but ako mismong mga fraternity brothers [ang ilan sa kanila],” aniya.

Kasabay nito, sinabi ni Duterte na ang mga posisyong nabakante ng mga ito ay pupunuan ng kuwalipikado at may malilinis na record sa paglilingkod.

“Daghag bakante ang gobyerno (maraming bakante ngayon sa gobyerno)… you just give me the list of those who are really qualified,” sabi ni Duterte.

Nilinaw din niyang hindi na kuwalipikado sa alinmang puwesto sa pamahalaan maging ang mga naabsuweldo sa kinaharap na kasong katiwalian. (YAS D. OCAMPO)