Mga Laro Ngayon

(Cuneta Astrodome)

4:15 n.h. -- Globalport vs Phoenix

7 n.g. -- Meralco vs San Miguel Beer

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Mapanatili ang kapit sa liderato ang target ng defending champion San Miguel Beer sa pakikipagtuos sa Meralco sa tampok na laro ngayon sa OPPO-PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Kasalukuyang nagsosolo sa liderato ang Beermen hawak ang markang 4-1, habang nagsosolo sa ika-6 na puwesto ang Bolts na may barahang 2-3.

Magtutuos ang dalawang koponan ganap na 7:00 ng gabi pagkatapos ng unang salpukan sa pagitan ng Globalport at Phoenix ganap na 4:15 ng hapon.

Huling tinalo ng San Miguel ang NLEX sa road game nitong Disyembre 21 na idinaos sa Cagayan de Oro City.

Sa kabilang dako, magtatangka naman ang Bolts na makabalik sa winning track kasunod ng natamong 90-94 kabiguan sa kamay ng Phoenix na nagbaba sa kanila sa solong ika-6 na puwesto taglay ang barahang 2-3.

Sa naturang kabiguan, hindi naramdaman ng Bolts ang last season top rookie na si Chris Newsome na nagawang malimitahan ng Fuel Masters sa dalawang puntos.

Ngunit sa labang ito, dobleng effort hindi lamang ni Newsome kundi maging ang mga big men na aasahan ni coach Norman Black partikular sa depensa upang pigilan si reigning league MVP Junemar Fajardo sa pananalasa.

Mauuna rito, magtatangka na makangat sa ikalawang puwesto kung saan magkasalo ngayon ang Talk N Text at Rain or Shine sa markang 4-2, ang koponan ng Globalport sa pagtutuos nila ng Phoenix.

Inaasahang dikdikan ang magiging laban ng dalawang koponan lalo’t magtatangka ang Batang Pier na makabalik sa win column matapos ang natamong 91-99 kabiguan sa kamay ng Blackwater habang asam naman ng Fuel Masters na maitala ang unang back-to-back win kasunod ng panalo nila sa Bolts na nagtabla sa kanila sa Alaska, Star at Barangay Ginebra sa patas na barahang 3-3,. (Marivic Awitan)