NBA, aminado sa pagkakamali ng referee sa laro ng Cavs at Warriors.

LOS ANGELES (AP) – Hindi pa lubos na napapawi ang agam-agam sa resulta ng laro ng Cleveland at Golden State sa araw ng Pasko, may bagong namuong kontrobersya sa labanan na pinagwagihan ng Cavaliers, 109-108.

Ipinahayag ng NBA matapos ang isinagawang review sa laro na klarong na-fouled ni Cavs forward Richard Jefferson si Kevin Durant sa baseline sa huling play ng Warriors.

Batay sa pahayag ng liga na inilabas sa opisyal na ‘Last Minute Report’ nitong Lunes (Martes sa Manila) – isang araw matapos ang kapana-panabik na rematch ng magkaribal na koponan sa nakalipas na dalawang NBA Finals – tinawagan sana ng foul si Jefferson nang pigilan nito si Durant matapos makuha ang inbound.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakumpleto ng Cavs ang matikas na paghahabol mula sa 14 puntos na bentahe ng Warriors nang maisalpak ni Kyrie Irving ang jumper sa harap ng depensa ni Kyle Thompson may 3.4 segundo ang nalalabi sa laro.

Malaki ang tyansa ng Warriors na makagawa ng play at naganap ito nang makuha ni Durant ang bola mula sa inbound, ngunit natumba ito sa sahig at hindi na naitira ng maayos ang bola sa buzzer.

Sa isinagawang ‘slow motion replays’, nakita na natapakan ang kanang pa ni Durant ng dumedepensang si Jefferson. Ayon sa NBA, isa itong “Incorrect Non-Call.”

Sa panayam kay Durant sa post-game interview, sinabi niyang "I fell. And I didn't fall on my own.”

Iginiit niya sa panayam ni Marc Spears ng The Undefeated na iba ang kaganapan kung hindi siya nasubsob sa sahig at napilitang ihagis ang bola para sa ‘hail-mary shot’.

"I would've made that shot if he didn't trip me up. But they ain’t calling it on him at their crib. It’s not his fault. It’s not the refs fault, either," aniya.

Sa hiwalay na report, sinabi rin ng NBA na dapat sana ay tinawagan ng ‘technical’ si LeBron James dahil sa paglalambitin sa rim matapos ang isang play may 1:43 ang nalalabi sa laro.