DAVAO CITY – May espesyal na puwang ang mga bata sa puso ni Pangulong Duterte, partikular ang mga may iniindang karamdaman.
Napatunayan ito noong Sabado, bisperas ng Pasko, nang bumisita ang Pangulo sa Southern Philippines Medical Center upang mamahagi ng mga regalo, pagkain at gamot sa nasa 300 batang pasyente, 51 sa mga ito ay may cancer.
Bawat isa sa mga pasyente ng House of Hope, ang taguri sa cancer unit ng ospital, ay kinumusta ni Duterte habang ipinaaalam sa kanya ng oncologist na si Dr. Mae Dolente ang kondisyon ng bawat pasyente.
Ang Christmas visit ni Duterte sa House of Hope ang kauna-unahan niya bilang Presidente, ngunit regular siyang bumibisita sa pasilidad simula nang buksan ito noong 2008, noong siya pa ang alkalde ng Davao City.
Ayon kay Rene Lumawag, photographer ng Pangulo, bago pa mabuksan ang cancer unit ay taunang bumibisita si Duterte sa pediatrics unit ng ospital tuwing bisperas ng Pasko.
Tumanggap din ang mga pasyente sa House of Hope ng 90 lata ng powdered milk, bukod sa 90 piraso ng Heraclene vitamins.
“Tonight my heart is very full and there’s no describing the feeling,” sinabi ni Dr. Dolente, na nagtatag ng cancer and blood disease unit, sa press briefing kasunod ng pagbisita ng Pangulo. “I’m very happy that he (Duterte) has become President because his compassion for the patients is sincere. There’s no faking that.”
Kuwento pa ng doktor, inisa-isa ni Duterte ang mga pasyente, “went to every bed, he talked to every parent, he opened the gifts individually.”
Nangako rin, aniya, ang Pangulo ng mas maraming linear accelerator para sa therapy ng mga pasyente ng cancer.
Ibinida rin ni Dr. Dolente na sa huling bahagi susunod na buwan ay magagamit na ang pinagandang cancer institute ng ospital, na ayon sa kanya ay maikukumpara sa mga kaparehong pasilidad “in Singapore or in any developed countries.”
Sa kanyang mensahe ngayong Pasko, sinabi ni Duterte na ang Pasko ay “a season of giving and sharing. This wonderful feeling is seen in the faces of our hopeful children, and reflects in the hearts of our loving and cheerful family members and friends.”
Ipinangako rin ng Pangulo ang “safer and more comfortable” para sa mga Pilipino.
(May ulat nina Liza Agoot at Elena Aben)