TARLAC CITY - Marahas na kamatayan ang sinapit ng isang guwardiya sa Tarlac Provincial Jail matapos siyang pagbabarilin ng mga armadong sakay sa itim na van habang sakay sa kanyang motorsiklo sa Sitio Molave, Barangay San Isidro, Tarlac City, nitong Martes ng hapon.
Kinilala ni SPO3 Alberto Caliolio ang biktimang si Armando Marcelo, Sr., 58, may asawa, jail guard sa nasabing piitan at taga-Sitio Urquico, Bgy. Matatalaib, Tarlac City.
Napag-alaman na dakong 5:42 ng hapon at binabaybayan ni Marcelo pauwi ang Sitio Molave nang harangan siya at paulanan ng bala ng mga suspek.
Isa sa mga tinitingnang motibo ang paghihiganti kay Marcelo ng isa umanong hinihinalang tulak na nahulihan ng shabu sa piitan. (Leandro Alborote)