MASIGLA muli ang pambansang pondahan dahil sa nagbabagang isyu ng death penalty. Batid natin sa kasalukuyan na kasama ito sa listahan ng mga ninanais ni dating Mayor Digong Duterte noong huling kampanya – ang ibalik ang hatol ng bitay para sa mga karumal-dumal na krimen.

Ang kawagian ni Duterte bilang presidente ay malinaw na mandato na ipatupad ang kamao kontra droga at pangalawang suntok laban sa krimen. Sa dalawang nabanggit na bandila rumatsada ang kampanya ng anak ng Davao. Kaya heto ngayon tayo, nakikipagtalastasan sa mga sektor na sumusulong sa nasabing parusa at sa kampo ng mga tumututol sa pagkitil.

May panukala sa Mababang Kapulungan na tumutulak sa pagsasabatas ng death penalty para sa tinaguriang heinous crimes – karumal-dumal na krimen. Mga paglabag sa batas tulad ng murder, rape, infanticide, parricide, at pagtutulak ng ilegal na droga sa malakihang halaga at dami, ay hahatulan ng parusang kamatayan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Tutol ang Simbahang Katoliko rito. Ayon sa mga pari, maaari naman ang parusang habambuhay na pagkabilanggo. Ito ay upang may pagkakataon pa na magbago ang kriminal. Pananaw ng iba, ‘di sila sang-ayon sa bitay dahil ang kadalasang tatamaan ng hustisyang nabibili ay mahihirap.

May mga pananaw pa na maaaring magkamali ang ating Sistema ng Hudikatura at baka isang inosenteng buhay ang makitil.

Nagugunita ko ang sinambit ni Pangulong Digong sa Ingles, sa pagkakaliwat, “Ang naisin ng hustisya ay hindi ang magpabago ng kriminal, bagkus ay parusahan ito.”

Kung ako lang ang masusunod, magpahinay-hinay muna tayo. Ibig sabihin, subukan muna natin ang death penalty para lang sa isang uri muna ng krimen – ang mga nahuhuli sa loob at nagluluto sa mga pabrika ng shabu. ‘Pag mga ganon, walang lusot. Milyun-milyong pamilyang Pilipino ang kinakana ng mga demonyo. Dito tayo magsimula. Medyo huwag muna natin isama ang ibang mga krimen dahil sa Amerika marami-rami na rin ang mga kapalpakang naitala sa pagpapakulong ng mga inosente. At may pagsasaliksik pa na umuungkat sa kapabayaan ng Sistema ng Batas, sapagkat posible umano na pati mga walang sala ay na lethal injection na! Sa Amerika ito. Wala nang bawian kapag ganitong pinal na ang pagkakamali. May kasabihan, “Ang naglakad ng matulin… (Erik Espina)