VAL D’ISERE, France (AP) — Kung sa akala ng marami ay sagana ang pondo ng US sa mga atleta, mali ang inyong hinuha.

Maging ang pinakamalakas at isa sa pinakamayamang bansa ay nagkukulang din sa suportang pinansiyal sa mga atleta.

At para matugunan ang pagkukulang sa pondo para sa American skiers, sumabak sa sopresang ‘nude pictorial’ ang 11 atleta – limang babae at anim na lalaki – para sa isang kalendaryo na tinaguriang “Under the Suit: The Bodies of the Ski Team”.

Kinunan ang mga litrato sa bulubunduking bahagi ng Chile at New Zealand, gayundin sa loob ng kanilang local gym sa Park City, Utah.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang aksiyon ng mga atleta ay bilang tugon sa kakulangan ng pondo para masustinahan ang kanilang pagsasanay at paglahok sa iba’t ibang kompetisyon.

Batay sa record, ang skiers na kabilang sa “A’’ team level ay kailangang magbayad ng sarili sa pamasahe at allowances na umaabot sa $15,000 hanggang $35,000 kada season.

Ang naturang ideya na magsagawa ng ‘naked pictorial’ para sa isang fund-raising campaign ay nagmula kay Brennan Rubie, miyembro ng “C’’ team level.

“It’s tough for us because we have to raise a bunch of cash,” pahayag ng 25-anyos na si Rubie sa Associated Press.

“We’ve all reached out to our parents, our parents’ friends,” aniya.

Mula sa mapagbebentahan ng kalendaryo, inaasahang kikita ang bawat atleta ng tig-$4,000 na ayon kay Rubie ay malaking kabawasan sa kanilang alalahanin sa pondo.

Kapos din sa pondo si Jacqueline Wiles, miyembro ng “B’’ team, dahilan para makiisa siya sa fund-raising kung saan pumailanlang siya sa kanyang ski na walang saplot maliban sa ski helmet, gloves at boots. Kasama rin sa kalendaryo ang kanyang teammates na sina Breezy Johnson at Alice McKennis.

“I think the target is raising around $110,000,” sambit ni Wiles sa panayam ng the AP sa French resort ng Val d’Isere. “They want to get all the calendars out before Christmas ... to be a stocking stuffer.”

Sa kabila ng maayos na katayuan, nakiisa sa mithiin sina two-time Olympic champion Ted Ligety at Olympic super-G silver medalist Andrew Weibrecht.

“It’s cool to see everyone come together,” ayon kay Weibrecht.

Taliwas sa tagumpay na tinatamasa sa kasalukuyan nina four-time overall World Cup winner Lindsey Vonn at Olympic slalom champion Mikaela Shiffrin na may pinagsamang 99 World Cup races, pahirapan ang podium para kina Wiles at McKennis.

Naitala ng 27-anyos na si McKennis ang tanging podium sa downhill sa Austrian resort of St. Anton noong Enero 2013, habang si Wiles ay tumapos ng isang top 10 finish.