INIUTOS ng World Boxing Council ang pagsagupa nina No.2 Rey Loreto at No.7 Jonathan Taconing sa eliminator para malaman ang mandatory challenger kay Galigan Lopez ng Mexico.

Ang kautusan ay inilabas sa ginanap na 54th World Boxing Council convention sa Grand Ballroom ng Diplomat Resort and Spa sa Hollywood, Florida.

Huling nagdepensa si Lopez sa mandatory contender na si Taconing nitong Hulyo 2, 2016 sa Mexico City at nanalo sa 12-round unanimous decision bagamat batid ng mga apisyonado sa boksing na mahirap magwagi sa Mexico maliban kung patutulugin ang kalaban kaya muling binigyan ng pagkakataon ang Pilipino na lumaban sa eliminator bout.

“Light Flyweight: Ganigan Lopez made a mandatory defense in July. The next mandatory will be determined with the winner of Rey Loreto and Jonathan Taconing,” ayon sa utos ng WBC sa ulat ng Fightnews.com.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ngunit, may pagpipilian si Loreto na kasalukuyang IBO world light flyweight champion at No. 1 sa minimumweight division ng WBA kaya maaaring maging mandatory contender ng kampeong si Knockout CP Freshmart ng Thailand na matagumpay na naidepensa ang titulo kamakalawa ng gabi.

“WBA minimumweight champion Knockout CP Freshmart retained his title with a 12 round unanimous decision over WBA #14 rated Shin Ono on Wednesday afternoon in Nakhon Ratchasima, Thailand,” ayon pa sa ulat. “Freshmart, also known as Thammanoon Niyomtrong, won the WBA interim title in October 2014 and has reeled off five successful defenses, the last two fights have had the full WBA title on the line.”

Kung iuutos ng WBA na magdepensa si Freshmart kay Loreto ay mas madaling laban ito para sa Pilipino na nagwagi sa kanyang huling pitong laban, lahat pawang sa TKO.

May kartada si Loreto na 23-13-0, tampok ang 16 konockout, samantalang si Freshmart ay may kartadang 14-0, kabilang ang anim na knockout. (Gilbert Espeña)