Nanganib ang buhay ng anim na bata makaraang maipit sa engkuwentro sa pagitan ng mga pulis at drug personalities na naging sanhi ng pagkamatay ng apat na suspek sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa report kay Police Sr. Supt. Roberto Fajardo, ng Northern Police District (NPD), kinilala ang isa sa mga suspek na si Noel Alventura, alyas “Toto”, ng Barangay 168 Sto. Tomas, Deparo ng nasabing lungsod.

Bagama’t natakot, ligtas at walang nasugatan sa anim na bata na pawang anak ng tenant ni Alventura.

Base sa report, dakong 10:00 ng gabi, rumesponde sa nasabing lugar ang mga tauhan ng Special Reaction Unit ng Caloocan Police matapos makatanggap ng tawag na may nagpaputok ng baril sa lugar.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Pagdating sa lugar, sinalubong umano ng mga suspek ang mga pulis at pinaulanan ng bala na naging sanhi ng pagkakasugat nina Police Insp. Henry Taule at PO2 Rommie Salvador.

Dito na nagdesisyon ang mga pulis na paputukan ang mga suspek hanggang sa marinig ang iyakan ng mga bata at pansamantalang nahinto ang putukan at inakalang susuko na ang mga suspek.

Makalipas ang ilang minuto ay hinagisan umano ng mga suspek ng teargas ang mga pulis at muling nagpaputok.

Hindi na nagdalawang-isip pa ang mga pulis na ratratin ang mga suspek na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

(Orly L. Barcala)