CABANATUAN CITY – Inihayag ng Manila North Tollways, Inc. (MNTC) na nakakasa na ang buong plano upang simulan ang konstruksiyon sa pagpapahaba sa North Luzon Expressway (NLEX) hanggang sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, na gagastusan ng P7 bilyon.
Ayon kay MNTC President Rodrigo Franco, may habang pitong-kilometro at may apat na lane ang ilalatag mula sa Mindanao Avenue exit hanggang sa bukana ng Commonwealth Avenue at Luzon Avenue.
Isa itong bagong road network na magsisilbing alternatibong ruta para hindi ma-traffic sa Mindanao, Congressional at Luzon Avenues at hindi maipit sa Elliptical Road sa may Quezon Memorial Circle.
Sinabi ng MNTC na anumang oras ay sisimulan na ang proyekto basta makumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbili ng right-of-way.
Bukod sa NLEX Commonwealth Avenue extension, tinatapos na ng MNTC ang NLEX North Harbor Link at kamakailan ay binuksan na ang bukana nito sa MacArthur Highway sa bahagi ng Karuhatan, Valenzuela City.
Inaasahang maidudugtong na sa NLEX ang Manila North Harbor sa kalagitnaan ng 2017. (Light A. Nolasco)