NAKAUSAP namin si Paolo Ballesteros bago nagsimula ang grand presscon ng pinagbibidahan niyang Die Beautiful na kasali sa 2016 Metro Manila Film Festival.
Sa grand welcome ng Regal Entertainment sa kanya nang manalo siyang Best Actor sa Tokyo International Film Festival, nabanggit niya ang posibilidad na dalawa ang pelikula niya sa MMFF pero itong Die Beautiful lang ang pumasok. Ano ang pakiramdam niya na hindi umubra ang Enteng Kabisote and The Abangers sa filmfest?
“Siyempre, mixed reactions, mixed emotions, siyempre masaya kasi nakapasok, pero may lungkot din kasi hindi rin kami nakapasok, eh, parehas lang naman ‘yung effort na ibinigay ko ro’n sa Die Beautiful at sa Enteng and ganu’n din naman ang ginawa ng lahat sa Enteng,” seryosong sagot ni Paolo.
Ano ang naging komento ni Vic?
“Okay naman siya, dyino-joke niya ako. Sabi niya, Die Beautiful panonoorin ko, very supportive naman si Bossing.”
Quality films daw ang pinili ng screening committee, sa madaling salita ay hindi pasok sa kategoryang ito ang Enteng Kabisote 10 and The Abangers.
“Well, ‘yun nga. Kung ‘yun ang sabi ng jury, wala na kami ro’n, kanya-kanyang opinyon ‘yan. Pero para sa akin, lahat quality kasi pinaghirapan lahat ‘yan, siguro kanya-kanyang panlasa lang ‘yan. Basta sa akin lang, parehas ang effort na ibinigay namin,” paliwanag ni Paolo.
Nagbago na ba ang isip niya at papayagan na niya ang kanyang anak na mapanood ang Die Beautiful na balitang PG ang rating sa MTRCB (hindi pa inire-release)?
“Kasi nu’ng napanood ko sa Japan, hindi pa censored version kaya inisip namin noon, paano ito mapapanood ng mga bata?
Paano kaya namin ito ipo-promote para mapanood ng mga bata? Kung ganu’n ang ipalalabas... but since censored na at may board naman, okay na mapanood.
“Actually, okay nga na mapanood ng mga magulang na may dilemma sa buhay dahil may dyunakis na dyokla. Kasi ‘yung movie, nag-start sa bata na dyokla na. ‘Tapos it’s all about family,” sabi ng aktor.
Ano ang masasabi niya sa sinabi ni Mother Lily Monteverde na hindi para sa panahon ng Pasko ang indie films, pero ang Regal Entertainment ang magre-release ng Die Beautiful?
“Iba kasi ang tingin sa indie film. Para sa akin ‘pag sinabing indie, bordering sexy, eh, ngayong nakagawa kami ng ganitong film, I would say na hindi lahat ng indie ganu’n,” katwiran niya.
Ano naman ang masasabi niya sa pahayag ni Mercedes Cabral tungkol kay Mother Lily?
“Ay, Mother Lily is Mother Lily, kaya nga mother kasi nanay,” sagot ng aktor.
Blue Christmas si Paolo dahil hindi niya makakasama ang anak, hindi ito makakauwi ng Pilipinas ngayong Holiday Season.
“Hindi, eh, kasi busy mag-promote kaya wala rin akong time, sayang naman, saka may pasok din siya. Kaya ako na lang ang pupunta ro’n, siguro sa Holy Week kasi mahaba-haba ang bakasyon namin,” aniya.
Samantala, bago nagsimula ang Q and A ng Die Beautiful ay ipinakita ang video greetings kay Paolo ng Dabarkads niya sa Eat Bulaga pati na ng kapatid at magulang niya na ikinaiyak niya.
“Sobrang happy ako, sobra, wala na akong masasabi pa,” garalgal na sabi ng aktor.
Nadala ang ibang reporters kay Paolo pero nagkatawanan naman sa mensahe ni Pauleen Luna-Sotto na, “Noong nagsisimula pa lang kami ni Paolo, magkasama kami lagi niyan, sobrang crush na crush ko siya kasi ang guwapo, di ba? E, ngayon, mas maganda na siya sa akin.”
Oo nga, si Paolo ang artista handsome na, beautiful pa.
Mapapanood ang Die Beautiful simula sa Disyembre 25 mula sa direksiyon ni Jun Robles Lana produced ng Regal Entertainment at Idea First Company. (Reggee Bonoan)