Patay ang isang 26-anyos na lalaki na itinuturong suspek sa kaso ng pagpatay sa kapwa niya drug suspect makaraang manlaban sa mga pulis na umaresto sa kanya sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Ang suspek na si Rommel Berdan, alyas “Muslim Bata”, 26, miyembro ng Batang City Jail, at residente ng Road 10, Marcos Highway, Moriones Street, Tondo, ay itinuturong suspek sa pagpatay sa isang Eugene Liporada nitong Disyembre 2, sa Tondo.

Sa ulat ni SPO1 Bernardo Cayabyab, imbestigador ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 6:00 ng gabi nang mapatay ng mga tauhan ng Don Bosco Police Community Precinct (PCP) ang suspek sa 248 Sta. Fe Street, Tondo, Maynila.

Nauna rito, nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa suspek matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa kanyang pinagtataguan.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Gayunman, natunugan umano ng suspek ang presensiya ng mga pulis sa lugar kaya bumunot ito ng baril at kaagad na pinaputukan ang mga awtoridad.

Dahil sa panganib na naramdaman, nagdesisyon ang awtoridad na pagbabarilin si Berdan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang Black Widow .22 Magnum, apat na sachet ng shabu at mga drug paraphernalia. (Mary Ann Santiago)