NANINIWALA sina ex-Pres. Fidel V. Ramos, House Speaker Pantaleon Alvarez at Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi magdideklara ng martial law si President Rodrigo Roa Duterte. Sana ay hindi nagkakamali sina FVR, Alvarez at Lorenzana dahil kung susuriin at susubaybayan ang pag-iisip at aksiyon ni Mano Digong, malimit siyang kumambiyo o magbago ng pahayag at desisyon. Halimbawa, may pahayag siya tungkol sa isang bagay upang kinabukasan ay babaguhin niya ito o ipaliliwanag ng ilang miyembro ng kanyang gabinete, tulad nina DFA Sec. Perfecto Yasay, PCO Sec. Martin Andanar at Chief Legal Counsel Salvador Panelo.

Matatandaan na noong 2016 election campaign, sinabi ni Pres. Rody na ipasasara niya ang Kongreso kapag naging “pasaway” o kumukontra sa kanya ang mga senador at kongresista. Magdideklara siya ng martial law o kaya’y ng isang revolutionary gov’t upang maging madali ang isinusulong na plano at programa para sa bansa, gaya ng pagsugpo sa illegal drugs.

Ayon kay Mr. Tabako na itinuturing ni RRD na kanyang matinding “kritiko at supporter”, hindi magdideklara ng batas militar si Du30. Galit ang taumbayan sa martial law noong rehimeng Marcos (1972) kaya hindi ito susuportahan ng mga Pinoy ngayon. Dahil dito, pinatalsik si Apo Ferdie noong 1986 na pinangunahan niya at ni ex-Defense Minister Juan Ponce Enrile.

Sinabi ng opposition congressmen na “itinumba” ng mga tao si Marcos sa poder noong Pebrero 1986, pero itinaas naman ni Duterte ang yumaong diktador bilang bayani nang payagan niyang maihimlay ito sa Libingan ng Mga Bayani (LNMB).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon sa kanila: “Duterte can never simply reduce the Marcos burial to a question of legality, even as laws exist, such as the Marcos human rights victims’ compensation law recognizing that Marcos is anything but a hero”.

Mas marami ang naniniwala na maling-mali ang Pangulo sa pagpayag na mailibing ang diktador sa LNMB sa akalang mapaghihilom ang sugat ng kahapon at mapag-iisa ang bayan. Sa halip, muling nagnaknak ang sugat ng pagdurusa at paghihirap ng libu-libong biktima ng martial law, mga pinatay, nawala, ikinulong at pininsala. Paano raw nila malilimutan ang pagkuryente sa “mga ari” ng bilanggong lalaki at babae, pagpapasara sa kongreso, pagsupil sa freedom of speech at pagtatanikala sa demokrasya? May pagkakawatak-watak uli ngayon sa halip na magkaisa at maglimutan.

Ngayon daw ay hindi na kailangan pang magdeklara ng martial law si Du30 o kaya’y magpataw ng death penalty dahil nagagawa namang pumatay ng mga pulis sa ngalan ng illegal drugs at katwirang nanlaban ang drug pushers-users kahit ang armas nila ay .38 cal. revolver.

Noong Nobyembre 30, ika-153 kaarawan ni Andres Bonifacio, sinabi ng mga mambabatas na si Mang Andres ang tunay na bayani at hindi si Marcos. Hiniling naman ng mga tao na papanagutin si Pres. Du30 sa pagpayag na maihimlay ang diktador sa LNMB habang ang mga protester sa iba’t ibang dako ng bansa, siyudad, bayan, lalawigan ay nananawagan ng hustisya at karangalan (honor) para sa mga biktima ng martial law. Ano ang masasabi ninyo rito mga miyembro ng Supreme Court? (Bert de Guzman)