Umatras si bagong WBO super bantamweight champion Jessie Magdaleno ng United States sa kanyang unang pahayag na bibigyan ng pagkakataon ang inagawan niya ng korona na si Pinoy Flash Nonito Donaire Jr.

Sa kanyang bagong panayam, sinabi ni Magdaleno na kailangan munang dumaan sa proseso at paghirapan ni Donaire ang pagkakataon para muli silang magkaharap.

Naagaw ni Magdaleno ang koronan via 12-round unanimous decision Nitong Nobyembre 5 sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas, Navada.

Maraming tumuligsa sa panalo ni Magdaleno na isa sa mga paboritong boksingero ngayon ni Top Rank big boss Bob Arum at mismong si Donaire ay hinamon sa rematch ang Mexican American na naging mandatory contender nang hindi dumaan sa eliminator bout.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon sa 25-anyos na si Magdaleno, dapat dumaan sa eliminator bout si Donaire na nakalista ngayong No. 3 contender niya samantalang No. 1 si Cesar Juarez ng Mexico na tinalo ng Pinoy boxer para matamo ang bakanteng WBO super bantamweight belt.

“I would like Donaire to get some more fights in and make his way back up. He’s been all over Twitter and Instagram saying he gave me an opportunity but he didn’t give me no opportunity. I worked hard for it. I was the mandatory fighter for that belt since the beginning of the year and he didn’t want to give me the fight,” pagyayabang ni Magdaleno sa BoxingScene.com.

Iginiit pa ni Magdaleno na dalawang beses siyang iniwasan ni Donaire gayong noong Disyembre 2015 lamang nakabalik bilang kampeong pandaigdig ang Pinoy boxer nang talunin si Juarez sa sagupaan sa San Juan, Puerto Rico.

“He actually ducked me twice. Maybe later on down the road that fight can happen but for now I want to see what else is out there for me. I want to see whatever other big names at 122 are there for me,” giit ni Magdaleno na halatang umiiwas na sa rematch kay Donaire.

Bukod kay Juarez, maaaring iutos ng WBO na magdepensa si Magdaleno sa wala ring talo at mas mapanganib na No. 2 contender na si Rey Vargas ng Mexico, No. 4 Juan Miguel Elorde ng Pilipinas, No. 5 Yasutaka Ishimoto ng Japan at Pilipino ring si No. 6 ranked Genesis Servania. (Gilbert Espeña)