Sugatan ang pitong miyembro ng Presidential Security Group (PSG) at dalawang sundalo matapos tambangan ng hinihinalang grupo ng terorista sa Barangay Matampay, Marawi City, kahapon ng umaga.
Ayon kay PSG Spokesman Lt. Colonel Michael Aquino na ang mga nasugatang PSG member ay kabilang sa advance party na magbibigay-seguridad kay Pangulong Duterte, na bibisita sa siyudad ngayong araw.
Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, isa sa pitong sugatang PSG ang malubha ang lagay.
Batay sa imbestigasyon ng Marawi City Police Office (MCPO), patungo ang convoy ng PSG sa headquarters ng 103rd Brigade, kasama ang mga kawani ng RTVM at mga sundalong kanilang escort nang sumabog sa kalsada ang isang improvised explosive device (IED).
Sinabi ni Lt. Col. Aquino na inaalam pa nila kung sino ang responsable sa ambush.
Aniya, hindi pa nilang masabi kung makaaapekto ang insidente sa pagtungo ng Presidente sa Marawi ngayong Miyerkules, kasabay ng pagtiyak na “well-trained” ang PSG para siguruhin ang kaligtasan ng Pangulo.
May hinala naman ang militar na si Pangulong Duterte ang target ng pagsabog.
Inaalam din ng AFP kung may kinalaman sa opensiba ng militar sa Maute terror group sa Butig, Lanao del Sur, ang pananambang. (FER TABOY at EVELYN QUIROZ)